Pangungunahan ng Pilipinas ang pagsusulong ng mas matibay na kooperasyon ng mga bansa sa ASEAN laban sa transnational crime sa idaraos na ika-20 ASEAN Ministerial Meeting on Transnational Crime sa Metro Manila, mula Oktubre 19 hanggang 21.
Pangungunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mga talakayan kaugnay ng mga banta sa seguridad, kabilang ang human trafficking, cybercrime, ilegal na droga, money laundering, at pagpupuslit ng armas.
Makikipagpulong din ang mga bansang ASEAN sa China, Japan, at South Korea upang palakasin ang pagtutulungan sa paglaban sa mga krimeng tumatawid sa hangganan ng mga bansa.
Tatalakayin din ang mga hakbang laban sa online sexual abuse at exploitation ng mga bata, kabilang ang mga krimeng pinadadali ng artificial intelligence.
Kaugnay nito ang ika-11 sunod na taon nang kinilala ang Pilipinas bilang Tier 1 country sa U.S. Trafficking in Persons Report. Magtatapos ang pulong sa pormal na paglilipat ng pamumuno sa AMMTC mula sa Pilipinas patungo sa Singapore, bilang pagpapatuloy ng sama-samang pagkilos ng ASEAN para sa mas ligtas na rehiyon.