Inilunsad ng International Labour Organization (ILO), kasama ang Australia at Switzerland, ang limang taong programang magpapalawak ng proteksyon, kasanayan, at oportunidad sa trabaho para sa mga migranteng manggagawa sa ASEAN.
Ang programang TRIANGLE Partnerships for Fair and Effective Labour Migration in ASEAN ay inilunsad nitong nagdaang linggo sa Maynila, kasabay ng ika-19 na ASEAN Forum on Migrant Labour. Layunin nitong gawing mas ligtas, patas, at kapaki-pakinabang ang paglipat ng mga manggagawa sa ibang bansa.
Tututukan din nito ang patas na recruitment, pagkilala sa kasanayan, social protection, disenteng kondisyon sa trabaho, at suporta sa mga manggagawang uuwi sa kanilang bansa. Kabilang naman dito ang Pilipinas sa walong bansang lalahukan ng programa.
Ayon sa ILO, tinatayang 24 milyong international migrants ang nagmumula sa ASEAN. Gayunman, marami pa rin ang nakararanas ng mataas na recruitment fees, kakulangan sa proteksyon, at panganib ng pagsasamantala. Sa pondong humigit-kumulang $20 milyon, inaasahang magbibigay ang programa ng mas matibay na suporta sa migranteng manggagawa mula 2026 hanggang 2031.