Nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon sa Albay, batay sa 24-oras na monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong Oktubre 18, 2026, na nagpapahiwatig ng patuloy na pag-aalburoto ng bulkan.
Batay sa ulat, nakapagtala ang PHIVOLCS ng isang pagbuga ng abo na tumagal nang isang minuto at 10 volcanic earthquake. Nananatili ring natatakpan ng ulap ang bunganga ng bulkan.
Naitala naman ang sulfur dioxide emission na 567 tonelada kada araw noong Oktubre 17, habang katamtaman ang pagbuga ng plume na kumikilos pahilagang-kanluran hanggang kanluran. Mayroon ding naitalang panandaliang pag-impis ng bulkan sa hilagang-silangang bahagi.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.
Nagbabala rin ang PHIVOLCS sa posibilidad ng biglaang pagputok ng singaw o phreatic explosion, pagguho ng mga bato mula sa tuktok, at lahar kapag may malakas na pag-ulan.
Patuloy na minomonitor ng PHIVOLCS ang aktibidad ng Bulkang Mayon at hinihikayat ang publiko na sundin ang mga abiso ng mga awtoridad at manatiling mapagmatyag sa mga posibleng panganib.