Nakahanda na ang Department of Social Welfare and Development sa posibleng epekto ng Super Typhoon Champi, na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility sa Martes, Oktubre 20.
Sa tala ng DSWD, nakahanda ang mahigit 4.5 milyong family food packs, 344 libong non-food items, at 206 libong kahon ng ready-to-eat foods.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensiya sa mga lokal na pamahalaan para mapabilis ang pagtulong sa mga pamilyang maaapektuhan ng bagyo.
Ayon sa PAGASA, may lakas na 185 kilometro kada oras ang hangin ng bagyo, na may pagbugsong aabot sa 230 kilometro kada oras.
Kapag nakapasok sa PAR, papangalanan itong Rosal. Posible itong magdulot ng malalakas na hangin, pag-ulan, at mapanganib na kondisyon ng karagatan.