Photo courtesy of Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD)
Aabot sa mahigit 80 private property developers na may alok na kabuuang 50,000 housing units ang tampok sa pagbubukas ngayong Lunes, October 19 ng ikalawang National Housing Expo 2026.
Pinangunahan nina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling at Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta ang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Shelter Month, ngayong taon.
Layon ng dalawang araw na expo na magbigay ng mas maraming opsyon sa mga pamilyang Pilipinong na nagnanais magkaroon ng sariling bahay sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino o 4PH Program ng administrasyong Marcos.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni DHSUD Sec. Jose Ramon Aliling ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor para makabuo ng isang mapagkakatiwalaan at inclusive housing program.
Ayon sa kalihim, mahalagang magkaroon ng programang pagkakatiwalaan ng mga stakeholder, kabilang ang mga developer at homebuyer, para mas maraming pamilyang Pilipino ang magkaroon ng access sa dekalidad at abot-kayang pabahay.
Sa expo, maaaring ikumpara ng mga interesadong bumili ng bahay ang iba’t ibang housing project at kumonsulta sa mga kinatawan ng Pag-IBIG Fund upang malaman ang kanilang loan eligibility at kapasidad sa pangungutang.
Itatampok din ng Pag-IBIG Fund ang subsidized housing loan interest rates para sa mga kuwalipikadong homebuyer, depende sa programang sasailalim, at mga kondisyon ng loan.
Mayroon ding promotional rates para sa mga kuwalipikadong housing loan na nagkakahalaga ng hanggang ₱10 milyon.
Kabilang sa mga developer na kalahok ang DMCI Homes, Rockwell Land, Robinsons Land, Megawide Construction, Amaia at Avida ng Ayala Land, SM Development, at Filinvest Land. Magpapasok din ng katulad na partnership sa Pag-IBIG Fund ang Megaworld at Federal Land.
Bukas nang libre sa publiko ang National Housing Expo 2026 hanggang October 20 sa Halls 2 hanggang 4, Ground Floor ng SM Convention Center Manila sa MOA Complex, Pasay City.