Idinetalye ni Labor Sec. Francis Tolentino ang mga ilalabas niyang labor advisories sa mga susunod na linggo na may kaugnayan sa El Niño.
Ayon kay Tolentino, layunin ng mga labor advisory na protektahan ang mga manggagawang Pinoy laban sa matinding init habang nagtatrabaho.
Paliwanag ni Tolentino, una sa mga advisory ang pagsagot ng ECC sa mga sakit na may kaugnayan sa mainit na panahon, gaya ng heat stroke.
Kabilang din umano rito ang mga government employee dahil bahagi ng ECC ang mga kawani ng pamahalaan.
Ang ikalawa ay ang pagkakaroon ng alarm sa cellphone ng lahat kapag pumalo na sa 42 degrees ang nararanasang init, kasabay ng awtomatikong pagsuspinde sa trabaho ng mga manggagawang nakabilad sa init.
Gayunman, patuloy pa umano ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tungkol dito.
Ikatlong labor advisory ng kalihim ang may kaugnayan sa mga delivery rider.
Nakatakdang makipagpulong si Tolentino sa mga organisasyon ng platform riders upang luwagan ang mga penalty sa mga rider na maaantala ang delivery dahil sa init ng panahon, partikular sa pagitan ng 12 NN at 3 PM.
Ang ikaapat na labor advisory ay tungkol sa attire at staggered working hours ng mga manggagawa.
Paliwanag ng kalihim, kapag mainit ang inaasahang panahon batay sa projection ng DOST, maaari nang magsuot ng komportableng damit, gaya ng pagtanggal ng mga blazer ng mga empleyado sa opisina o pagsusuot ng short-sleeved uniform ng mga guwardiya.
Samantala, sa ilalim ng staggered working hours, maaaring mas maaga o mas huli ang oras ng pagtatrabaho upang maiwasan ang pagtatrabaho mula 12 NN hanggang 3 PM.
Kabilang din sa mga isinasama sa labor advisories ang pagdaragdag ng water stations, pagbibigay ng masisilungan sa mga rider, pagbubukas ng mga bintana ng pabrika, at pagpapabuti ng working conditions.
Nilinaw ni Tolentino na patuloy pang inaayos ang mga nabanggit na alituntunin sa tulong ng iba’t ibang ahensiya, ngunit inaasahang ilalabas ang mga ito sa mga susunod na linggo.