Nagbigay ng direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kinauukulang ahensiya na magkaroon ng malinaw na sistema sa pag-uulat at pag- aksiyon sa mga insidente ng bullying, karahasan, at emergency.
Ang kautusan ay ginawa ng Pangulo sa isinagawang Joint National and Regional Peace and Order Council Meeting na ipinatawag kamakailan sa Malacañang.
Napag-usapan kasi sa ipinatawag na pulong ang prayoridad na mabigyan ng kaligtasan ang mga bata sa mga paaralan at mabigyan ang mga ito ng proteksiyon laban sa karahasan at iba pang banta.
Kasama din sa iniutos ng Pangulo ang pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang higpitan ang seguridad sa mga paaralan.
Idinagdag ng Chief Executive na dapat ding alamin at pag-aralan ang karanasan ng ibang mga bansa sa pagpapatupad ng regulasyon sa paggamit ng social media ng kabataan.