Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang “My Buddy System” bilang bahagi ng mas pinalawak na kampanya para sa mas ligtas na paaralan.
Layunin nito na hikayatin ang maagang paghingi ng tulong habang tinitiyak na mga propesyonal pa rin ang mangangasiwa sa risk assessment, pormal na referral, at specialized management.
Ayon kay Education Sec. Sonny Angara, mahalaga ang suporta ng kapwa mag-aaral sa pagpuksa sa mga balakid sa komunikasyon sa pagitan ng mga kabataang nakararanas ng suliranin.
Sa ilalim ng programa, ang mga learner buddy ay ioorganisa sa pamamagitan ng structured buddy pairing o small peer groups na nakatuon sa pakikipagkaibigan at horizontal peer mediation batay sa modelong “big brother/big sister.”
Hinihikayat ng mga gawaing ito ang paghingi ng tulong sa loob ng mga safe space classroom setting. Idinisenyo ang mga ito upang maging katuwang at hindi kapalit ng mga propesyonal na guidance personnel.
Nilinaw naman ng DepEd na ang inisyatibo ay hindi alternatibo sa propesyonal na pangangalaga sa mental health.
Ang mga propesyonal na ito ang mamamahala sa mga peer group at mangunguna sa mga debriefing, habang ang mga Child Protection Committee at School Care Center naman ang hahawak sa mga usapin ng proteksyon at panlabas na referral.
Samantala, upang matiyak ang mahigpit na pangangasiwa ng mga nakatatanda, pinabibilis ng DepEd ang pagkuha at pagpapadala ng mga School Counselor Associate upang alalayan ang mga School Counselor.