Isinusulong ni Senate Committee On Sports Chairman Senador Christopher ‘Bong’ Go ang pagrepaso at pag amyenda sa charter ng Philippine Sports Commission (PSC), na halos 36 na taon na ang luma.
Sa naging pagtalakay sa senado ng panukalang 2027 budget ng PSC, sinabi ni Go na dapat palakasin ang komisyon.
Kailangan rin aniyang magtatag ng mas maraming regional offices at training centers para mas madaling makakuha ng tulong ang mga atleta mula sa Visayas at Mindanao nang hindi na kailangang bumiyahe patungong Metro Manila.
Ayon kay PSC Chairman Pato Gregorio, nakatuon pa rin ang Republic Act No. 6847, na nilikha noong 1990, sa pagsuporta sa mga amateur athlete.
Dahil dito, nalilimitahan sa ilang pagkakataong kailangang tulungan ang mga propesyonal na manlalarong kumakatawan sa bansa sa mga international competition.
Binigyang-diin ni Go na dapat unahin ang kapakanan ng mga atleta at aktibong abutin ng pamahalaan ang kanilang mga pangangailangan, sa halip na maghintay pang lumitaw ang mga reklamo. Aniya, hindi sapat na purihin lang ang mga atleta kapag nakapag-uwi sila ng medalya dapat aniyang tiyakin ang tuloy-tuloy na suporta mula grassroots development hanggang sa international competitions at sa kanilang professional career.