Pinabulaanan ni Defense Secretary Gibo Teodoro ang akusasyon ni Chinese Ambassador Jing Quan na ang Pilipinas ang nagpapalala ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa pagdinig sa Senado ng panukalang 2027 budget ng Department Of National Defense (DND), iginiit ni Teodoro na nananatiling nakatayo ang Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at United Nations Charter.
Ayon sa kalihim, hindi lang ang mga pahayag ng ambassador na kayang talunin ng China ang Pilipinas ang tinututulan ng pamahalaan kundi pati ang maling pag-aangkin ng China sa mga karagatan sa ilalim ng kanilang nine-dash line at ang pagsasabing may karapatan silang mag-operate sa paligid ng Batanes.
Kinondena rin ni Teodoro ang mga pahayag na may halong banta ng paggamit ng puwersa at sinabing dalawang beses nagbitaw ng ganitong pananalita ang ambassador.
Kinumpirma ng kalihim na ipinatawag na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Chinese envoy at hinihintay na ang ang susunod na hakbang ng pamahalaan.
Samantala, binigyang-diin naman ni Senador JV Ejercito na naniniwala ang Pilipinas sa diplomasya at mabuting ugnayan sa mga karatig-bansa pero dapat itong nakabatay sa paggalang sa isa’t isa. Giit ni Ejercito, tungkulin lang ng Pilipinas na protektahan ang soberanya at integridad ng teritoryo nito.