Arestado na ang suspek sa panloloob sa bahay ng celebrity chef at content creator na si Chef Myke “Tatung” Sarthou sa Rizal.
Ayon kay PNP Chief, PGen Jose Melencio C. Nartatez, Jr., ang suspek ay nahuli ng police tracker team sa Sitio Paenaan, Barangay San Jose, Antipolo City bandang 5:45 pm ng kahapon.
Narekober sa kanya ang isang travel bag na may mga kitchen utensil at dekorasyon.
Batay sa ulat, nangyari ang pagnanakaw noong Setyembre 25 kung saan tinatayang aabot sa P4 milyon ang halaga ng mga nawala at nasirang ari-arian.
Nauna nang inireklamo ni Sarthou na pinabalik-balik siya sa iba’t ibang istasyon ng pulis dahil hindi malinaw kung sakop ng Baras o ng Antipolo ang kanyang bahay.
Sinabi ni Nartatez Jr., hindi dapat maging hadlang ang hangganan ng teritoryo sa pagtulong sa mga biktima. Aniya, kahit hindi sakop ng istasyon ang kaso, dapat pa ring tulungan ang biktima, idokumento ang reklamo, at agad itong i-coordinate sa tamang yunit.
Sa ngayon, pansamantalang inalis sa puwesto ang mga sangkot na tauhan ng Baras Municipal Police Station at Antipolo City Police Station. Inatasan din ang PRO-4A at Rizal Police Provincial Office na alamin kung may naging kapabayaan.