Mahalagang masuri batay sa beripikadong impormasyon at ebidensya ang mga alegasyon ng militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao.
Ito ang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos ang isinagawang rally ng mga magsasaka sa harap ng General Headquarters sa Camp Aguinaldo kaninang umaga.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, anumang reklamo ay dapat idaan sa tamang proseso para mapanagot ang sinumang mapatunayang lumabag.
Iginagalang din aniya ng AFP ang karapatan ng mamamayan na magpahayag at magtipon nang mapayapa, alinsunod sa batas.
Dagdag pa niya, dapat nakatuon ang mga programa ng pamahalaan para sa kapayapaan at kaunlaran sa pagprotekta sa mga komunidad at sa pagtugon sa ugat ng armadong tunggalian, lalo na sa mga lugar na matagal nang apektado ng kaguluhan.
Tiniyak naman ng AFP na patuloy nitong gagampanan ang mandato nitong protektahan ang mamamayan at ang bansa, habang iginagalang ang Konstitusyon, karapatang pantao, at ang rule of law. | ulat ni Diane Lear