Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order no. 127 nagu-utos sa pagbuo ng Philippine Carbon Market Policy Framework o Pambansang Gabay sa Carbon Market ng Pilipinas.
Pangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang komite para dito, para sa pangangasiwa ng carbon market sa bansa.
Layunin ng kautusan na suportahan ang mga pangako ng Pilipinas sa ilalim ng Paris Agreement, makahikayat ng pondo at pamumuhunan para sa mga programang pangklima, at magbukas ng mga oportunidad para sa mga proyektong pangkalikasan.
Kabilang dito ang pangangalaga at pagpapanumbalik ng kagubatan, renewable energy, agrikultura, at pamamahala ng basura na maaaring makalikom ng pondo sa pamamagitan ng carbon credits.
Kung matatandaan, ang carbon market ay isang sistema kung saan maaaring bilihin at ibenta ang carbon credit.
Ang bawat credit ay kumakatawan sa pagbawas o pag-alis ng greenhouse gas emissions.
Sa pamamagitan nito maaaring magkaroon ng karagdagang pondo ang mga proyektong naglalayong labanan ang pagbabago ng klima.
“Ito ang magsisilbing pangunahing gabay ng Pilipinas sa pakikilahok sa carbon market. Itatakda nito ang mga pamantayan sa pagpili at pag-apruba ng mga proyekto, pagsubaybay sa carbon credits, pag-uulat at pagbabahagi ng benepisyo. Layunin nitong matiyak na malinaw, maayos at napapanagutan ang pagpapatupad ng mga programang ito.” -Castro.