Bilang bahagi ng Breast Cancer Awareness Month, isang advocacy forum para sa breast at cervical cancer awareness ang inorganisa ni Quezon City 1st District Councilor Charm Ferrer, isang cancer survivor.
Tinawag itong “P.T. Positive: Pink Warrior and Teal Warrior — Focusing on M.E.N.S. (Mental, Emotional, New Life and Support),” na layong magbigay ng kaalaman at suporta sa mga cancer warrior, survivor, kanilang pamilya, at iba pang tagasuporta.
Nasa 50 kababaihan ang dumalo sa forum kung saan tinalakay ang mental at emosyonal na suporta para sa mga pasyenteng nakararanas ng pangamba, gabay sa pagsisimula ng bagong buhay, at pagbuo ng mga support group para matulungan ang mga cancer warrior sa kanilang paglalakbay.
Ayon kay Coun. Ferrer, malaking bagay na makaramdam ng suporta ang mga cancer warrior para mabigyan sila ng tapang at inspirasyon sa kanilang laban.
Dumalo rin sa aktibidad si Coun. Alfred Vargas na principal author ng National Integrated Cancer Control Act, at QC Integrated Cancer Control Ordinance (QCICCO)
Ipinunto nito ang patuloy na pagpapalakas ng cancer care sa QC, kabilang ang pagpapatupad ng Integrated Cancer Control Program, cancer screening at patuloy na pagsasanay ng healthcare workers.
Kaugnay nito, patuloy ding inilalapit ni Coun. Ferrer ang mga serbisyo ng libreng mobile breast at cervical cancer screening sa lungsod.
Noong Oct. 19, nagsagawa ng libreng screening sa Barangay San Isidro Labrador Hall na layong maagang ma-detect ang sakit at agarang matugunan ang mga pasyente.