Maghihigpit ng seguridad at magtataas ng kahandaan ang Philippine Coast Guard o PCG para sa inaasahang hanggang dalawang milyong pasahero sa mga pantalan ngayong Undas.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, inatasan na ang lahat ng 17 Coast Guard District na paigtingin ang operasyon sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026 mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Paiigtingin ang inspeksiyon sa mga barko para maiwasan ang overloading, gayundin ang pagpapatrolya sa mga pantalan, daluyan ng tubig at mga pasyalan.
Maghahanda rin ng mga response group at medical team para sa mga emerhensiya, habang magdaragdag ng tauhan sa Malasakit Help Desks ng Department of Transportation o DOTr.
Paalala ng PCG sa publiko, sundin ang mga patakaran sa kaligtasan at agad ireport ang kahina-hinalang bagahe o indibidwal.