Kanselado ang ilang biyahe sa dagat sa Bicol at Masbate dahil sa Super Typhoon Rosal, batay sa abiso ng Philippine Ports Authority (PPA) alas-8 ng umaga ngayong Oktubre 21.
Kabilang dito ang mga biyahe ng Sam’s Water Transport Services at Rapu-Rapu Batan Transport Cooperative sa pagitan ng Legazpi City at Rapu-Rapu, Albay.
Kanselado rin ang lahat ng fastcraft ng Montenegro Shipping Lines sa rutang Masbate City–Pilar, Sorsogon, at pabalik.
Samantala, hindi rin bibiyahe ang MV San Jacinto ng Kho Shipping Lines sa rutang Mobo–Claveria–Pio Duran at pabalik dahil sa preventive maintenance.
Nilinaw ng PPA na awtomatikong kanselado ang mga biyahe kapag nagpatupad ng no-sail policy ang Philippine Coast Guard o PCG. Maaari ring magkansela ang mga shipping line alinsunod sa mga kondisyon ng kanilang permit.