Sa gitna ng mataas na presyo ng enerhiya, isinusulong ng Asian Development Bank (ADB) at Anti-Red Tape Authority (ARTA) sa isinasagawang 11th Meeting of the ASEAN-Oranisation for Economic Cooperation and Development (OECD) Good Regulatory Practices Network (GPRN) ang pagpapasimple sa mga regulasyon sa renewable energy at digital infrastructure upang mapabilis ang mga proyekto at makahikayat ng mas maraming pamumuhunan.
Sa unang sesyon ng ika-11 pulong ng ASEAN-OECD Good Regulatory Practices Network sa Taguig City, binigyang-diin ni ADB Private Sector Development Specialist Ronald Zhang ang kahalagahan ng reporma sa mga regulasyon upang mapalakas ang pamumuhunan sa Timog-Silangang Asya.
Kabilang sa mga prayoridad ng pakikipagtulungan ng ADB at ARTA sa ilalim ng Business Environment Strengthening through Technology o BEST program ang renewable energy, na mahalaga sa pagpapalawak ng mga alternatibong mapagkukunan ng kuryente.
Ayon kay Zhang, kabilang sa mga hadlang sa pamumuhunan ang mabigat na regulasyon, mabagal na proseso, at kakulangan sa koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng pagpapasimple sa mga prosesong administratibo at mas maayos na koordinasyon, inaasahan sa pulong na mas mapapadali ang pagpapatupad ng mga proyekto at pagpasok ng pribadong pamumuhunan hindi lang sa bansa gayundin sa mga bansa sa ASEAN.