Pinalalakas ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga hakbang nito upang maibsan ang epekto ng umiiral na tensyon sa Middle East sa pamamagitan ng pondo mula sa Asian Development Bank (ADB).
Ayon sa Department of Finance, gagamitin nila $1.5-B para tulungan ang mga Pilipino na apektado krisis sa Middle East.
Ang Assistance for Greater Resilience and Alleviation of Poverty (AGAPAY) ay budgetary support sa pagtugon ng pamahalaan sa mga economic challenges at posibleng krisis sa suplay ng langis dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Ayon sa DOF, gagamitin ang pondong ito para sa programang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) ng gobyerno.
Sakop ng UPLIFT ang pagtitiyak sa sapat na suplay ng langis at kuryente, pagpapanatili ng makatwirang pamasahe sa pampublikong transportasyon, pagbibigay ng direktang tulong-pinansyal sa mga vulnerable group, at pagtulong sa repatriation at reintegration ng mga naitaboy na OFW.
Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, inaasahang makatutulong ang mga interbensyong ito upang mapagaan ang gastusin ng mga pamilya, maipagpatuloy ang kabuhayan, at maprotektahan ang mga Pilipino mula sa pandaigdigang krisis sa ekonomiya.