Sisimulan palang ng Department of Agriculture (DA) ang bidding para sa mga Farm-to-Market Road (FMR) projects ngayong 2026 matapos mailabas ang ₱23 billion na pondo para rito.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang 2027 budget ng DA, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na naantala ang implementasyon ng mga proyekto dahil sa mga kondisyong kailangang tuparin sa paglilipat ng pondo mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) patungo sa DA.
Ayon sa kalihim, na-release lang nitong Setyembre ang unang ₱4.2 billion pero kinailangang ibalik ang pondo dahil sa cut off sa pagtatapos ng quarter.
Naibalik lamang ito nitong Oktubre, kasabay ng paglalabas ng karagdagang pondo.
Tiniyak naman ni Laurel na nakahanda na ang DA na isagawa ang bidding at nakatayo na rin ang transparency portal at website para masubaybayan ng publiko ang mga proyekto.
Iniatas na din niya ang buwanang pag-uulat sa status ng bawat proyekto, kasama ang mga larawan, na ibabahagi rin sa chairman ng Senate Committee on Finance.
Samantala, sinabi rin ni Laurel na nadagdagan na ang kapasidad ng Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering (BAFE) o ang unit na magpapatupad ng mga farm-to-market roads.