Siniguro ni Senate Committee on Finance Chairperson JV Ejercito na hindi mauulit sa ilalim ng kaniyang pamumuno ang mga nangyari sa nakaraang national budget na kinuwestiyon ng Korte Suprema.
Ito ay kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang ₱449.5 billion unprogrammed appropriations sa 2024 General Appropriations Act at ₱17.99 billion special road fund appropriations ng Department of Public Works and Highways sa 2025 budget.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Ejercito na iginagalang at susundin niya ang desisyon ng Korte Suprema at maingat na pag-aaralan ang implikasyon nito sa paghahanda, pag-apruba at pagpapatupad ng 2027 national budget.
Ayon sa senador, mula pa sa simula ng paghahanda sa 2027 budget ay isinasaalang-alang na nila ang mga nakabinbing kaso na kumukuwestiyon sa pagtaas ng unprogrammed appropriations.
Dagdag pa ng Senate finance chief, noong deliberasyon sa 2026 budget, nagkasundo na ang Senado at Kamara na hindi dagdagan ang unprogrammed appropriations na lampas sa halagang iminungkahi sa National Expenditure Program (NEP).