Sinabi ni Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Secretary Joey Sarte Salceda na ang desisyon ng Korte Suprema ukol sa Unprogrammed Appropriations, ay maaring magsilbing legal na instrumento sa fiscal management ng bansa.
Ito ang tugon ni Salceda matapos maglabas ng desisyon ng Supreme Court sa unprogrammed appropriations.
Welcome din sa dating mambabatas na base sa ruling walang personal na pananagutan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa sinasabing grave abuse of discretion.
Ayon sa PLLO Secretary, sa pamamagitan ng pagpapanatili ng probisyon sa Saligang Batas ukol sa papel ng Ehekutibo sa pagbuo at pagpapatupad ng badyet, nasa mahalagang posisyon ngayon ang Pangulo upang simulan ang pangkalahatang reporma sa budget ng bansa.
Dahil dito, makikipagtulungan ang PLLO sa Department of Budget and Management (DBM), Kongreso, at iba pang kaugnay na ahensya upang isulong ang pagpapatibay ng Philippine Budgeting Code—isang komprehensibong reporma sa proseso ng pambansang badyet na matagal nang isinusulong ni Salceda noong siya ay nasa Kongreso pa.
Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat si Salceda sa Korte Suprema sa pag-imbita sa kanya bilang amicus curiae o “friends of the court” sa nasabing makasaysayang usapin.