Photo courtesy of Senate of the Philippines
Posibleng suportahan ng ilang senator-judges na kaalyado kay VP Sara Duterte ang mga pagtutol ng panig ng depensa ukol sa pagbawi ng tatlong artikulo ng impeachment sa muling pagbubukas ng pagdinig.
Ito ang babala ng isang private prosecutor na naniniwalang magiging panibagong usapin sa Senate impeachment court ang mga hidwaan sa proseso.
Ayon kay Private Prosecutor Lorna Kapunan, ang mga usaping inilalabas ng mga abogado ng bise ay makakakuha ng suporta mula sa ilang senador, na maaaring muling magbukas sa usapin ukol sa mga desisyong naibaba na ng presiding officer.
Ito ang tugon ng veteran lawyer nang tanungin kung maaari bang humingi ang isang senator-judge ng reconsideration sa kautusang tumatanggap sa pagbawi ng prosekusyon sa tatlong artikulo laban kay VP.
Ipinaliwanag ni Kapunan na ang mga abogado lamang ng magkabilang panig — ang prosekusyon, depensa, at ang mismong respondent — ang may karapatang magtanong sa naturang desisyon.
Klinaro rin ni Kapunan na ang mga pagtutol na inilabas ng ilang senador noong pagdinig noong Oktubre 13 ay patungkol sa iba pang bahagi ng desisyon ng presiding officer at hindi nangangahulugang hayagan nilang tinututulan ang mismong pagbawi sa mga artikulo.