Bumaba ang mga bagong kaso ng leptospirosis habang bahagyang nabawasan ang dengue sa pinakahuling paghahambing ng Department of Health o DOH.
Batay sa ulat hanggang Oktubre 14, nasa 1,159 ang kaso ng leptospirosis noong Setyembre 17 hanggang 30, mas mababa ng 55 porsiyento kumpara sa naunang dalawang linggo.
Gayunman, umabot na sa 13,530 ang kabuuang kaso ngayong taon, mas mataas ng 47% kaysa kaparehong panahon noong 2025.
Sa dengue, nasa 205,347 ang kabuuang kaso, mas mababa ng 22% kumpara noong nakaraang taon. Patuloy namang binabantayan ang lokal na pagtaas ng kaso sa 11 lalawigan at highly urbanized city sa siyam na rehiyon.
Paalala ng DOH, alisin ang mga naiipunang tubig na pinamumugaran ng lamok, iwasang lumusong sa baha at magpakonsulta agad kapag may sintomas o matapos malantad sa tubig-baha.