Nananatili pa rin sa positibong numero ang paglago ng overseas Filipino worker (OFW) remittances sa kabila ng patuloy na tensiyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, bagamat bahagyang bumagal ang paglago ng OFW remittance ay pasok pa rin naman ito sa magandang numero na naglalaro sa 2.2 hanggang 2.3 percent.
Sa kabila nito ay naipakita pa rin ng mga OFW na nananatili silang matatag o resilient dahil bagamat nabawasan ay hindi naman naputol ang pagpapadala ng remittances.
Ani Cacdac, kabilang sa mga naapektuhang sektor sa Gulf states ang hospitality at construction industry na lubhang naapektuhan sa unang sigwada ng kaguluhan.
Kasama nga sa mga interbensiyon dito ng DMW ang pagbibigay ng financial assistance sa mga OFW na naapektuhan ang kinabibilangang sektor ng gulo sa Middle East.