Pagtanggal sa red tape at korapsyon sa serbisyo publiko ang layunin ng Anti-Red Tape Authority o ARTA sa pamamagitan ng pagpapasimple ng mga proseso ng gobyerno bago ang mga hakbangin sa digitalization.
Sa panayam ng media sa closing ng 11th Meeting of the ASEAN-OECD Good Regulatory Practices Network, binigyang-diin ni ARTA Director General Ernesto Perez ang kahalagahan ng pag-streamline ng mga proseso bago ilipat ang mga ito sa digital platforms.
Ayon kay Perez, malinaw ang direktiba na pasimplehin at i-digitalize hangga’t maaari ang mga serbisyo ng pamahalaan upang mapabilis ang transaksiyon ng mga mamamayan at negosyo.
Dagdag niya, hindi lamang pagsasanay at pagpapalakas ng kakayahan ng mga ahensya ang ginagawa ng ARTA. Mahigpit din itong nagmomonitor at nagpapatupad ng batas upang matiyak ang pagsunod ng mga ahensya ng pamahalaan sa mga reporma.
Hinikayat din ni Perez ang publiko na ireport sa ARTA ang mga reklamo sa serbisyo ng gobyerno upang agad na maaksyunan at higit pang mapabuti ang paghahatid ng serbisyong publiko.