Nanawagan si House Committee on Public Order and Safety Chair at Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano sa mga bansang kasapi ng ASEAN na palakasin ang pagtutulungan sa pagpapatupad ng batas laban sa online sexual abuse at exploitation ng mga bata.
Ayon kay Valeriano, hindi dapat limitado sa kani-kanilang bansa ang mga hakbang laban sa krimen dahil maaaring magkaiba ang bansang kinaroroonan ng biktima, suspek at kinaroroonan ng mahahalagang ebidensiya.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng mabilis na palitan ng impormasyon at koordinasyon ng mga awtoridad sa iba’t ibang bansa.
Ibinida rin ng kongresista ang panukalang Batang Ligtas bill na niratipikahan ng Kongreso noong Setyembre 20.
Layunin nitong palakasin ang proteksiyon ng mga bata laban sa online sexual exploitation, kabilang ang pagtatakda ng age-appropriate safeguards sa mga digital platform.
Isinusulong din nito ang permanenteng pagtatatag ng National Child Safety Office at pagpapalakas sa Philippine Internet Crimes Against Children Center para sa mas magkakaugnay na imbestigasyon.
Ginawa ni Valeriano ang panawagan sa 2026 ASEAN ICT Forum on Child Online Protection