Inihain ni FPJ Panday Bayanihan Party-list Representative Brian Poe ang House Bill 11785 o Beyond Pet Loss and Care Act na magtatakda ng regulasyon at pamantayan sa operasyon ng mga pet crematorium at burial services.
Kasunod ito ng mga napaulat na insidente ng iregularidad sa mga serbisyo ng pet cremation sa Bulacan at Cavite, kung saan ilang pet owners ang nagreklamo dahil hindi umano naibigay ang wastong pag-aalaga at pagtrato sa labi ng kanilang mga alagang hayop.
Kasama ni Poe sa panawagan ang aktor at animal welfare advocate na si John Arcilla, Animal Kingdom Foundation at ilang pet owners na naging biktima umano ng mga naturang insidente.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang communal cremation upang matiyak na magkakahiwalay ang pagsusunog sa labi ng bawat alagang hayop at ang abo na ibabalik sa kanilang mga may-ari ay tunay na nagmula sa kanilang alaga.
Itatakda rin ang malinaw na pamantayan sa cremation at burial services, gayundin ang obligasyong maging transparent ang mga negosyo sa kanilang proseso.
Bibigyan-din ng responsibilidad ang mga lokal na pamahalaan na magbigay ng certification at regular na mag-monitor sa mga pet after-life care service provider.
Nakapaloob naman sa panukala ang multang ₱100,000 hanggang ₱500,000 at pagkakakulong ng isa hanggang apat na taon para sa mga lalabag.
Tiniyak ni Poe na hindi layunin ng panukala na pahirapan ang mga lehitimong negosyo kundi palakasin ang tiwala ng publiko sa kanilang serbisyo.