Welcome kay ni Senadora Risa Hontiveros ang resolusyon ng Department of Justice (DOJ) na nagrerekomenda ng pagsasampa ng cyberlibel charges laban sa anim na indibidwal na umano’y nagpakalat ng maling alegasyon na sinuhulan at tinuruan niya ang mga testigong humarap sa semate hearing laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Kabilang sa mga respondent sina Atty. Ferdinand Topacio, mga vlogger na sina Byron Cristobal o Banat By at Jeffrey Celiz, broadcaster Jay Sonza, Krizette Chu at Alex Destor o Tio Moreno.
Kasunod ito ng naunang rekomendasyon ng DOJ na kasuhan din si dating Senate witness Michael Maurillo, na unang nag-akusa kay Hontiveros ng panunuhol at pagtuturo sa mga testigo.
Mariing itinanggi ng senadora ang mga alegasyon at sinabing hindi dapat palampasin ang pagpapakalat ng mga kasinungalingan laban sa mga testigong naglakas-loob na magsiwalat ng umano’y pang-aabuso sa loob ng KOJC.
Giniit ni Hontiveros na sinusuportahan niya ang kalayaan sa pamamahayag at malayang pagpapahayag pero hindi aniya ito dapat gamiting dahilan para magpakalat ng maling impormasyon laban sa Senado, mga tauhan nito at mga testigo. Sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012, maaaring kasuhan ng cyberlibel ang libel na ginawa sa pamamagitan ng online platforms.