Nakatakdang i-deploy ang karamihan sa mga barkong nakatalaga sa Naval Defense Command (NDC) upang magbantay at magbigay ng seguridad para sa gaganaping ASEAN Summit mula Nobyembre 16 hanggang 18, ayon sa pahayag ng Philippine Navy.
“The majority of the vessels under the NDC will be deployed to provide maritime security and safeguard Manila Bay, its maritime approaches, and other strategically significant maritime areas during the ASEAN Summit,” pahayag ni Navy spokesperson Captain Marissa Martinez.
Ang NDC, na nakabase sa Sangley Point sa Lungsod ng Cavite, ay dating nakilala bilang Fleet Marine Ready Force.
Bagama’t tumanggi siyang magbigay ng karagdagang detalye, kinumpirma ni Martinez na kabilang sa mangunguna sa misyong ito ang dalawa sa mga bagong offshore patrol vessel ng Hukbong Dagat — ang 2,400-toneladang BRP Rajah Sulayman (PS-20) at BRP Rajah Lakandula (PS-21).
Una rito, sinabi rin ni Philippine Navy Public Affairs Office chief Captain Marie Angelica DC Sisican na magpapakalat ang Navy ng mga pangunahing sea assets sa Look ng Maynila bilang bahagi ng komprehensibong paghahanda sa seguridad para sa pagtitipon.
Layunin ng mga hakbanging ito na patatagin ang pangkalahatang seguridad at tiyakin ang isang ligtas at payapang kapaligiran sa karagatan para sa matagumpay na pagdaraos ng mga aktibidad.
Ang mga pangunahing kaganapan para sa 49th ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong ay gaganapin sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Lungsod ng Pasay.