Hinimok ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang publiko na huwag tangkilikin ang mga pekeng pampalasa na nagkalat ngayon sa merkado.
Ito ang tinuran ng CIDG makaraang masabat ang nasa 350 kahon ng iba’t ibang pekeng pampalasa na nagkakahalaga ng mahigit ₱1.3 milyong piso noong isang linggo.
Sa ulat ni CIDG Director, Police Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, ikinasa ang operasyon sa pakikipag-tulungan ng Nestlé Philippines sa isang bodega sa Brgy. Baesa sa Quezon City.
Dito, tumambad ang samu’t saring mga pinekeng seasoning o pampalasa gaya ng Magic Sarap, Ajinomoto, at Crispy Fry Spicy breading mix na paglabag sa Section 170 ng Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines.
Arestado sa isinagawang operasyon ang Malaysian national na siyang naaktuhang nagbebenta at namamahagi ng naturang mga pinekeng produkto nang walang kaukulang dokumento o permit mula sa trademark owner.
Babala ni Morico sa publiko, suriing maigi ang mga bibilhing produkto at mag-ingat sa mga bagsak presyong ibinebenta sa merkado dahil sa peligrong maaring idulot nito sa kalusugan kapag nakonsumo.


