Binigyang-diin ni Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso ang mahalagang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagsasakatuparan ng ASEAN Community Vision 2045.
Sa kanyang talumpati sa welcome dinner para sa ASEAN Governors and Mayors Forum (AGMF) noong Martes ng gabi, November 17, sinabi ni Domagoso na hindi lamang mga pambansang pamahalaan ang dapat kumilos upang maisakatuparan ang pangmatagalang plano ng ASEAN.
Ayon sa alkalde, ang tunay na sukatan ng tagumpay ng ASEAN Vision 2045 ay ang positibong pagbabagong mararamdaman ng mga mamamayan sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Iginiit din nito na dapat nakikita at nararamdaman ng ordinaryong mamamayan ang maayos na pamamahala at mahusay na serbisyo publiko.
Samantala, binigyang-diin ni United Cities and Local Governments Asia-Pacific Secretary General Dr. Bernadia Irawati Tjandradewi na hindi dapat matapos sa mga talakayan at konsultasyon ang pagtitipon kundi dapat itong magbunga ng mga konkretong programa sa mga komunidad.
Nagpasalamat naman si Quezon City Mayor at Union of Local Authorities of the Philippines National President Joy Belmonte sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pagtanggap sa mga delegado mula sa Southeast Asia.
Ngayong November 18, nakatakdang ganapin sa Ramon Magsaysay Center sa Maynila ang opisyal na pagpupulong ng AGMF at Meeting of Governors and Mayors of ASEAN Capitals (MGMAC) 2026.
Bahagi ito ng mga aktibidad sa ilalim ng pagka-pangulo ng Pilipinas sa ASEAN ngayong taon.