Patuloy na pinaiigting ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagsasanay sa green skills at digital courses upang matiyak na handa at kayang makipagsabayan ng mga manggagawang Pilipino sa buong rehiyon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Sa panayam ng Juan Trabaho kay TESDA Planning Office Executive Director Charlyn Justimbaste, sinabi niyang nagsagawa ang ahensya ng mga policy dialogues sa ilalim ng sub-theme na “ASEAN Skilled for the Future,” bilang suporta sa pangkalahatang tema ng ASEAN na “Navigating Our Future Together.”
Isinagawa ito sa pamamagitan ng ASEAN Technical and Vocational Education and Training (TVET) Council—isang platapormang inisyatiba ng Pilipinas noong 2017 at opisyal na naitatag noong 2020.
Ang TESDA ang nagsilbing unang tagapangulo nito bago naisalin ang pamumuno sa Singapore at Thailand.
Nagresulta ang mga nasabing dayalogo sa pagbuo ng ASEAN TVET Council Joint Statement, na nakatuon sa apat na pangunahing larangan na kinabibilangan ng green at digital transition, mga kursong may kinalaman sa Information and Communications Technology (ICT) at Artificial Intelligence (AI), informed governance gamit ang labor market information at women’s economic empowerment.
Upang maisakatuparan ito sa bansa, bumubuo na ang TESDA ng mas napapanahong curriculum at nagsasanay ng mga mahuhusay na trainers sa mga accredited at regional training centers para sa green skills at digital courses.
Kasabay nito, nag-aalok din ang ahensya ng mga kurso sa AI at cybersecurity sa ilalim ng TESDA online program upang ihanda ang mga manggagawa sa mabilis na digital transformation.
Bukod dito, binigyang-diin din ni Justimbaste ang paglulunsad ng Skills Passport noong Pebrero. Ito ay isang digital platform kung saan nakatala ang lahat ng kredensyal at mga kursong maaaring kunin ng isang indibidwal—isang hakbang upang ipakita na ang technical-vocational (tech-voc) ay isang marangal at kumikitang career path.