Nagpahayag ng matibay na suporta at bukas na linya ng komunikasyon si United States President Donald Trump para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ginanap na ASEAN-US Special Summit.
Sa harap ng mga lider mula sa Timog-Silangang Asya, diretsahang sinabi ni Trump na maaari siyang tawagan ni Pangulong Marcos anumang oras—maging ang sinumang opisyal sa ilalim ng kanyang administrasyon—sakaling magkaroon ng anumang suliranin o pangangailangan.
“If there’s a problem, call me,” mensahe ni Trump kay Marcos.
Bilang pagpapakita ng pagiging malapit at magaan na pakikitungo sa pagitan ng dalawang lider, nagawa pang magbiro ng Pangulo ng Amerika tungkol sa isa sa kanyang mga pangunahing opisyal sa gabinete.
Pabirong sinabi ni Trump, na handa niyang sibakin sa puwesto si US Secretary of State Marco Rubio kung sakaling hindi nito sagutin ang tawag ng punong ehekutibo ng Pilipinas.
Bagama’t idinaan sa magaan at pabirong paraan, itinuturing itong isang mahalagang diplomatikong senyales ng patuloy na matatag na alyansa sa pagitan ng Maynila at Washington.
Wala pang inilalabas na karagdagang detalye ang Palasyo ng Malacañang hinggil sa iba pang napag-usapan ng dalawang lider sa sidelines ng naturang hapunan, ngunit inaasahang nagpatuloy ang mga bilateral na pagpupulong bago matapos ang summit.
Kabilang naman sa mga nabanggit at key takeaways sa ginanap na ASEAN-US Special Summit ay ang mas pinalakas pa ngayong defense cooperation ng Pilipinas at Estados Unidos gayundin sa iba pang larangan tulad ng ekonomiya.