Kiko Pangilinan
Nanawagan si Senador Kiko Pangilinan sa Senado at Kamara na bumuo ng panel ng mga independent observer na susubaybay sa mga pagdinig ng Bicameral Conference Committee (BICAM) para sa 2027 national budget.
Kabilang sa nais niyang imbitahing observer ang mga citizen groups, pribadong sektor, Commission on Audit at Office of the Ombudsman.
Iminungkahi rin ni Pangilinan na imbitahan ang Korte Suprema, alinsunod sa tinukoy niyang Lagman ruling.
Ayon sa Senador, dapat gawing regular na bahagi ng proseso ng pagbuo ng budget ang paglahok ng mga citizen watchdog para mabantayan ang paggamit ng pera ng taumbayan.
Iminungkahi rin ng mambabatas na isapubliko ang bawat pagbabagong gagawin sa panukalang budget sa BICAM, kasama ang pangalan ng nagpanukala at malinaw na paliwanag sa layunin ng bawat pagbabago.
Hinimok din ng Senador na bigyang-prayoridad sa 2027 budget ang paghahanda sa inaasahang Super El Niño, partikular ang seguridad sa suplay ng tubig, paghahanda sa tagtuyot at napapanahong tulong sa mga magsasaka.
Giit ni Pangilinan, kailangang maging bukas sa publiko ang proseso ng paglalaan ng pambansang pondo para maprotektahan ang bawat pisong nagmumula sa buwis ng mamamayan.