Nanawagan ang Department of Justice (DOJ) sa mga ahensya ng pamahalaan at civil society organizations na palakasin ang pagtutulungan upang mas mapabilis at mapadali ang pagkuha ng hustisya, partikular para sa mga mahihirap at bulnerableng sektor.
Ito ang binigyang-diin ni DOJ Senior Undersecretary Raul Vasquez sa Second Justice and Human Rights Summit 2026 na ginaganap sa Manila Prince Hotel.
Sa mensahe ni DOJ Secretary Fredderick Vida na binasa ni Vasquez, mahalagang tiyaking madaling malapitan at tumutugon sa pangangailangan ng publiko ang mga institusyon ng hustisya.
Sa tatlong araw na summit, tatalakayin ang mga karapatan ng kabataan, senior citizens, persons with disabilities, katutubo, kababaihan, LGBTQIA+ community at mga taong pinagkaitan ng kalayaan.
Kabilang din sa mga pag-uusapan ang pagpapalakas ng tulong sa mga biktima ng panggagahasa at iba pang uri ng karahasang sekswal.
Binigyang-diin ni Vida na hindi lamang sa dami ng batas at programa nasusukat ang tagumpay ng sistema ng hustisya, kundi sa aktuwal na pakinabang nito sa buhay ng mga Pilipino.