Walang nakikitang banta ng kaguluhan ang House Prosecution Panel sa sandaling magbaba na ng desisyon ang Senate Impeachment Court laban kay Vice President Sara Duterte sa susunod na buwan.
Ayon kay Trial Spokesperson Zia Alonto Adiong mananatiling mapayapa ang bansa kahit ano pa ang maging resulta ng paglilitis na inaasahang ilalabas bago ang Pasko.
Ipinaliwanag ng mambabatas na sadyang isinama sa Saligang Batas ang mekanismo ng impeachment bilang isang mapayapa at naaayon sa batas na pamamaraan upang panagutin ang matataas na opisyal ng pamahalaan.
Aniya, sinadya ito ng mga bumalangkas ng Konstitusyon upang maiwasan ang anumang karahasan sa proseso ng pagpapatalsik sa puwesto.
Dagdag pa ni Adiong, kumpiyansa siya kakayahan ng Philippine National Police (PNP) na mapanatili ang seguridad at kaayusan sa bansa, anuman ang maging saloobin ng publiko o ng mga tagasuporta ng Bise Presidente sa ibababang hatol.
Ang pahayag na ito ni Adiong ay tugon sa naging kautusan ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa hanay ng pulisya na maghanda sa posibleng pagkilos, protesta, o tensyon sa oras na maglabas na ng pasya ang impeachment court.