Nagsagawa ng pet walk ang Akbayan Party sa Quezon Memorial Circle upang isulong ang mas mahigpit na proteksyon para sa mga hayop.
Kasama ang Philippine Animal Welfare Society o PAWS, hinimok ng grupo ang Kongreso na ipasa ang ALAGA Bill o House Bill No. 11495.
Ayon kay Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña, kailangan ng mas mabigat na parusa laban sa mga sangkot sa animal cruelty at pagpapabaya sa mga hayop.
Tinukoy niya ang ilan sa insidente gaya ng pagtatapon sa labi ng mga alagang hayop na ipinagkatiwala umano sa isang pet crematorium sa Bacoor, Cavite, ngunit natagpuan sa San Jose del Monte, Bulacan; ang pagkakasagip sa mahigit 30 aso at pusa sa isang abandonadong bahay sa Taytay, Rizal; at ang viral video ng isang sundalo na pumatay ng aso.
Nakapaloob sa panukala ang pagtatatag ng National Commission on Animal Welfare, pagpapataas ng multa at pagpapataw ng pagkakakulong sa mga mapapatunayang nang-aabuso ng hayop.
Isinusulong din trap-neuter-vaccinate-return o TNVR bilang pangunahing makataong paraan ng pagkontrol sa populasyon ng mga ligaw na hayop.