Posibleng bago ang Christmas break ng Kongreso sa December 18 ay may desisyon na ang Senate Impeachment Court sa kaso ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Prosecutor at Manila Representative Joel Chua, nakadepende pa rin ito kung matatapos ng depensa ang pagharap ng natitira nilang anim hanggang pitong testigo mula December 4.
Dapat kasi ay sa November 26 at 27 ang susunod na pagdinig, pero hiniling ng kampo ng depensa na ilipat ang petsa dahil hindi umano available ang kanilang mga testigo.
Bukod dito, kailangan pang isumite at pagpasyahan ng korte ang formal offer of evidence ng magkabilang kampo mula December 9 hanggang 11.
Iginiit din ni Chua na hanggang ngayon, wala pang naipiprisinta ang depensa na direktang magpapabulaan sa forensic accounting ng prosekusyon—na nagtuturo ng mahigit ₱817 milyong hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.