Umaasa ang mga retiradong tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na aaksyunan ng Kongreso ang panukalang pag-amyenda sa batas upang maibalik ang buong halaga ng kanilang pensyon.
Ayon kay Josefina Romero, kinatawan ng 132 retiradong tauhan na naghain ng petisyon sa Korte Suprema, ini-refer ng hukuman sa Kongreso ang kanilang usapin dahil kinakailangang amyendahan ang Republic Act 9993 o Philippine Coast Guard Law.
Sinabi ni Romero na mula noong 2017, nababawasan ng tinatayang walong libong piso ang kanilang buwanang pensyon.
Tinatayang mahigit dalawang libong retiradong tauhan ng PCG ang apektado ng naturang problema.
Ibinahagi rin ni Romero na umuusad na sa Senado at Kamara ang panukalang batas na naglalayong maresolba ang kanilang hinaing.
Dahil dito, nananawagan ang mga retiradong tauhan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa Kongreso na bigyang-prayoridad ang panukala at maisama sa 2027 General Appropriations Act ang kinakailangang pondo upang maibigay nang buo ang kanilang pensyon.