Hinamon ng House prosecution ang kampo ni Vice President Sara Duterte na magharap ng mga testigong makasasagot sa mga katanungan tungkol sa umano’y P817.87 milyong hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.
Ayon kay House prosecution panel adviser Ace Barbers, hanggang sa mga huling testigong iniharap ng depensa ay hindi pa rin nasasagot ang mga alegasyon tungkol sa pinagmulan ng yaman ni Duterte.
Umaasa si Barbers na ang mga susunod na testigo na ihaharap sa December 1 na pagdinig ay makapagbibigay na ng malinaw na paliwanag sa mga isyung ito.
“Hanggang dun sa huling witness nila, hindi pa rin nila napapasinungalingan o napapabulaanan ang mga tanong o yung mga allegations ng prosecution…Now, kung meron silang makukuhang witness again by December 1 o ‘yung next scheduled trial, eh sana naman ay meron na itong maisagot sa mga tanong ng ating mga prosecutors,” saad ni Barbers.
Sa halip kasi aniya na pabulaanan ang mga alegasyon, tila nadagdagan pa ang ebidensya ng prosecution dahil sa mga testimonya ng mga testigo ng depensa.
Kabilang dito ang pagkumpirma sa ilang natanggap na bayad, posibleng pagmamay-ari ng dalawang property, at mga bank record na nagpapakita ng year-end balances.
“Kaya maraming salamat po sa depensa. Actually sila ‘yung nagdagdag ng ebidensya, eh, kaya thank you,” dagdag niya.