Photo courtesy of Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)
Ginawaran ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng Dangal ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko (Hall of Fame) mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
Ito ay dahil sa pagsusulong nito ng Wikang Filipino para mas mailapit ang serbisyo ng ahensiya sa mga mamamayan ng Metro Manila.
Nagpasalamat naman si MMDA Chairman Atty. Don Artes sa naturang pagkilala.
Sa pagtanggap ng parangal, binalikan ni MMDA Deputy Chairman Undersecretary Frisco San Juan Jr. ang mga naging hakbang ng ahensiya para makamit ito. Patunay aniya ito ng tuloy-tuloy na pagsusumikap ng ahensiya na gawing mahalagang bahagi ng paglilingkod sa publiko ang wikang Filipino.
Kabilang aniya rito ang paggamit ng Filipino sa social media ng MMDA, pati na sa pagsagot sa mga tanong at concern ng publiko.
Para kay San Juan, tagumpay ito ng bawat kawaning naniniwalang hindi lang wika ng pakikipag-ugnayan ang Filipino, kundi kasangkapan din para maghatid ng serbisyong mas nauunawaan at mas nararamdaman ng mamamayan.
Ang Dangal ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko ang pinakamataas na pagkilala ng KWF sa mga ahensiya at institusyon ng pamahalaan na nakakuha ng Kahusayan Antas 4 sa dalawang magkasunod na taon.