Siniguro ng Malacanang na palaging para sa interes ng mga Pilipino ang mga kasunduan na pinapasok ng Pilipinas kasama ang ibang mga bansa.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro ang paguusap sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US President Donald Trump ay maituturing na tagumpay, lalo’t magbubukas lamang ito ng panibagong opsyon o source para sa Pilipinas, sa mga pangangailangan nito.
Ang sinasabi aniya ni President Trump na dapat 100% ng supply ay sakanilang bansa kukuhanin ng Pilipinas, naka-depende pa aniya ito sa presyo, produkto, at sa sitwasyon.
“Depende po, kung 100% at sila rin po iyong source at sila iyong pinakamura? Magandang option po iyon, pero syempre po ang pag-uusapan pa rin natin dito, mayroon bang ibang source? May iba pa bang mas mura? Pero kung mas makakabuti sa US na maka-angkat dahil silang nagpo-produce na ganoon klase ng produkto, hindi po ito makakasama sa ating bansa.” -Castro.
Ang pagtitiyak ng opisyal, anomang transaksyon ang sinelyuhan o papasukin ng Pilipinas, hindi maa-agrabyado ang mga Pilipino, at palaging para sa ikabubuti ng Pilipinas. “Sa anumang transaksyon na gagawin po ng pamahalaan, sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand R., Marcos Jr., kahit sa anumang Ito dapat na maagrabyado ang ating bansa at ang ating mga kababayan. Ang lahat ng gagawin na transaction ay makakabuti. Kung di man makakabuti pareho sa dalawang bansa, makakabuti ito dapat sa Pilipinas.” -Castro.