Ayon kina Deputy Speakers Janette Garin ng Iloilo at Jefferson “Jay” Khonghun ng Zambales, buo ang kanilang kumpiyansa sa paghahanda ng prosekusyon para sa natitirang bahagi ng paglilitis, kabilang ang formal offer of evidence, posibleng rebuttal, at closing arguments.
Ayon kay DS Garin, sa mga nagdaang paglilitis lumitaw ang tila mas marami pang katanungan mula sa testimonya ng mga testigo ng depensa sa halip na malinawan ang mga kuwestiyonableng detalye sa yaman ni VP Sara na sentro ng kaso.
Sinabi naman ni DS Khonghun, masusing pinag-aaralan na ng prosekusyon ang mga susunod na hakbang habang papalapit ang pagtatapos ng paglilitis.
Nanindigan din si Khonghun, na hindi pa direktang napapabulaanan ng depensa ang mga natuklasan ng forensic financial expert ng prosekusyon na si Atty. Alexander Cabrera, isang abogado at accountant.
Inaasahang ipiprisinta ng depensa ang kanilang mga natitirang testigo sa pagbabalik ng pagdinig ng Senate Impeachment Court sa December 1.