Mas pinapalakas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga hakbang upang maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga digital platform worker habang isinusulong ng Pilipinas ang mga polisiya para sa disenteng trabaho sa digital economy.
Sa ginanap na 358th Session ng International Labour Organization (ILO) Governing Body noong November 9 hanggang 19, 2026 sa Geneva, Switzerland, muling pinagtibay ng Pilipinas ang pangako nitong tiyakin ang makatarungang kondisyon sa paggawa para sa mga manggagawa sa platform economy.
Pinangunahan ni DOLE Undersecretary Carmela Torres ang delegasyon ng pamahalaan ng Pilipinas sa nasabing pagpupulong, kung saan tinalakay ang pagsasalin ng mga prinsipyo ng pandaigdigang kumbensyon ng ILO tungo sa mga pambansang polisiya sa pamamagitan ng social dialogue.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pagpapatibay sa ILO Convention No. 193 (Decent Work in the Platform Economy), na sinuportahan ng Pilipinas upang matugunan ang mga hamong kinakaharap ng mga delivery riders at iba pang manggagawa sa mga online platform—kabilang ang kaligtasan sa trabaho, tamang pasahod, social security, at malinaw na pamantayan sa paggawa.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DOLE sa mga platform companies, grupo ng mga manggagawa, at iba pang stakeholders upang matiyak na ang mga polisiya ay praktikal, inklusibo, at tumutugon sa nagbabagong pangangailangan ng parehong manggagawa at negosyo.