Kaduda-duda umano ang “timing” ng pagbitiw o pag-divest ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, mula sa Cale88 Foods Corp. noong 2025 sa gitna ng impeachment trial ni VP Sara.
Sinabi nina Deputy Speakers Janette Garin ng Iloilo at Jefferson “Jay” Khonghun ng Zambales na nararapat lamang na masusing imbestigahan ang paglilipat ng pagmamay-ari ng kumpanya, lalo na’t nabigo umano ang Cale88 na humingi ng paunang pag-apruba mula sa Board of Investments (BOI).
Batay sa 2024 General Information Sheet (GIS) ng Cale88, nakalista si Carpio bilang shareholder na may 47.5% bahagi sa kumpanya. Gayunpaman, hindi na lumitaw ang kanyang pangalan sa listahan ng mga shareholder sa 2025 filing nito.
Kinuwestiyon naman ni Khonghun kung bakit isinagawa lamang ang paglilipat ng pagmamay-ari kung kailan umuugong na ang mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban kay Duterte.