Mas pinaiigting pa ngayon ng Department of Education (DepEd) ang kanilang mga hakbang kontra bullying at tiyakin ang seguridad sa mga paaralan gayundin ay itaguyod ang mental health support sa mga mag-aaral sa buong bansa.
Ito’y ayon sa DepEd ay kasunod na rin ng magkakahiwalay na insidente ng karahasan sa mga paaralan sa Caloocan City at Aklan.
Kasunod nito, ibinabala ni Education Sec. Sonny Angara ang non-readmission o exclusion ng mga estudyanteng mapatutunayang sangkot sa extreme bullying at karahasan.
Salig aniya ito sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Bullying Act of 2013 at ng Department Order No. 006 series of 2026 o Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE).
Ayon kay Angara, karapatan ng bawat bata ang mag-aral sa isang ligtas na kapaligiran, walang takot, bullying, o karahasan.
Bilang may-akda ng Anti-Bullying Act noong siya’y nasa Senado, sinabi ni Angara na laging pangunahing adbokasiya nito ang proteksyon ng mga mag-aaral.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Caloocan at Aklan, nanawagan si Angara sa publiko na iwasang magbahagi ng mga larawan, video, o hindi beripikadong detalye tungkol sa mga sangkot na menor de edad upang maiwasan ang karagdagang trauma at igalang ang due process.
Sinabi rin ng Kalihim na kailangang pagsamahin ang mahigpit na disiplina at kumpletong suporta sa kabataan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.