Photo courtesy of DOLE
Isinusulong ng Pilipinas ang pagpapalakas ng proteksyon sa mga manggagawa laban sa mga panganib na dulot ng climate change.
Ito ang inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ika-358 sesyon ng International Labour Organization (ILO) Governing Body na ginanap sa Geneva, Switzerland noong Nobyembre 9 hanggang 19.
Binigyang-diin ni DOLE Undersecretary Carmela Torres ang lumalaking panganib sa kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa dahil sa mga bagyo, pagbaha, matinding init at pabago-bagong kondisyon ng panahon.
Inilahad din ng Pilipinas ang mga umiiral na batas, polisiya at labor advisories na naglalayong protektahan ang mga manggagawa laban sa mga naturang panganib.
Ibinida rin ng bansa ang dalawang inisyatiba ng DOLE sa ilalim ng 2026 ASEAN Chairmanship na nakatuon sa kaligtasan ng mga manggagawa sa informal sector at pagpapalakas ng labor inspection sa sektor ng pangingisda.
Suportado rin ng Pilipinas ang panukala ng ILO na palakasin ang labor inspection system at kakayahan ng mga pamahalaan, employer at manggagawa na tumugon sa mga panganib na dulot ng climate change.
Patuloy ding isinusulong ng DOLE ang international cooperation upang matiyak ang mas ligtas at maayos na kondisyon sa mga lugar ng trabaho.