Nakalatag na ang mga hakbang pangseguridad ng Philippine National Police (PNP) kasabay ng mga nakakasang aktibidad ngayong ika-163 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nasa halos 8,000 pulis ang ipinakalat partikular na sa National Capital Region (NCR) na siyang sentro ng mga aktibidad ng iba’t ibang grupo.
Kabilang sa mga tututukan ng Pulisya ay ang Liwasang Bonifacio sa Maynila, Monumento ni Bonifacio sa Caloocan kung saan doon isasagawa ang programa, gayundin ang iba pang freedom parks na maaaring pagdausan ng aktibidad.
Mula pa kahapon, November 29, nakataas na ang FULL ALERT status sa Metro Manila para tiyakin ang seguridad, kapayapaan at kaayusan ng mga aktibidad ng iba’t ibang grupo ngayong araw.
Mahigpit na ipatutupad PNP ang maximum tolerance at paggalang sa karapatang-pantao gayundin ang pagsunod sa kanilang Police Operational Procedures.
Bagaman walang nakikitang banta, hinikayat ng PNP ang mga grupong magsasagawa ng kanilang aktibidad na bantayang maigi ang kanilang hanay at sumunod sa mga itinatakda ng batas.