Patuloy na mino-monitor ng World Health Organization ang pagkalat ng Ebola sa ilang bansa kung saan naitala ang 381 kumpirmadong kaso sa Democratic Republic of Congo at 15 kaso sa Uganda hanggang June 4, 2026.
Sa kabila nito, nananatiling walang naitatalang kaso ng Ebola sa Pilipinas dahil sa pinaigting na border screening, health surveillance at monitoring na isinasagawa ng Department of Health-Bureau of Quarantine sa mga paliparan at pantalan sa buong bansa.
Bago makapasok sa bansa, kinakailangang sagutan ng mga biyahero ang Health Declaration Form sa eTravel system upang masuri ang kanilang kalagayang pangkalusugan.
Ang mga pasaherong manggagaling sa mga lugar na may Ebola outbreak sa loob ng nakalipas na 21 araw ay bibigyan ng red QR code at sasailalim sa health surveillance at screening ng BOQ pagdating sa bansa.
Ang mga walang sintomas ay isasailalim sa 21 araw na monitoring ng lokal na pamahalaan, habang ang mga makikitaan ng sintomas ay dadalhin sa isolation facility para sa mandatory quarantine.
Patuloy namang hinihikayat ng DOH-BOQ ang publiko na agad iulat ang anumang sintomas at sundin ang mga itinakdang health protocol upang mapanatiling ligtas ang bansa laban sa Ebola.