Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang kalidad ng edukasyon at mabawasan ang bilang ng mga batang nahihirapang magbasa, matagumpay na natapos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region ang ikalawang taon ng implementasyon ng Tara, Basa! Tutoring Program (TBTP) sa rehiyon.
Isinagawa ng ahensya ang isang sabayang culminating activity bilang pagtatapos ng 20-araw na Tutoring and Parenting Sessions, na ginanap sa Daraga North Central School sa Daraga, at iba pang lugar.
Ayon sa DSWD Bicol, matagumpay na ipinatupad ang programa sa mahigit 100 paaralan sa mga bayan ng Daraga at Legazpi City sa Albay; Bulan at Sorsogon City sa Sorsogon; Libmanan at Naga City sa Camarines Sur; at Virac sa Catanduanes, na may mahigit 9,300 benepisyaryo.
Ang programa ay isang educational assistance initiative para sa mga indigent college students na nagsisilbing tutors at Youth Development Workers (YDWs). Bilang kapalit ng kanilang 20-araw na serbisyo sa pagtuturo at pangangasiwa ng parenting sessions, tumatanggap ang mga kalahok ng katumbas ng regional daily minimum wage sa Bicol na nagkakahalaga ng ₱435 kada araw o kabuuang ₱8,700 matapos ang programa.
Nakatuon ang mga tutors sa pagpapahusay ng literacy skills ng mga mag-aaral, habang ginagabayan naman ng mga YDWs ang mga magulang sa tamang pagpapalaki ng anak at pagsuporta sa pag-aaral ng mga ito sa tahanan. Bago ang deployment, sumailalim ang mga college student-participants sa limang araw na capacity-building training upang maihanda sila sa kanilang mga tungkulin.
Kasama rin sa programa ang mga magulang o guardian ng mga mag-aaral na kinilalang struggling readers. Kinakailangan nilang dumalo sa mga sesyon kasama ang kanilang mga anak upang makatanggap ng participation incentive na ₱235 kada araw o kabuuang ₱4,700 matapos ang 20-araw na implementasyon.
Sa pamamagitan ng programang ito, patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang literacy development ng mga kabataan habang nagbibigay ng pansamantalang tulong-pinansyal at makabuluhang oportunidad sa mga mag-aaral sa kolehiyo. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP Albay